Pumunta sa nilalaman

Pagmamanupaktura

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Industriya)
Pagmamanupaktura sa sasakyang pangkalawakan na New Horizons sa Laboratoryong Pangpananaliksik ng NASA.

Pagmamanupaktúra ang paggawa o pagyari sa mga produkto na may tulong mula sa isang kagamitan, lakas-paggawa, makina, kasangkapan, at kemikal o biolohikong pagproseso o pormulasyon. Ito ang sentro ng ikalawang sektor ng ekonomiya.[1] Maaari itong tumukoy rin sa samu't saring gawain ng tao kagaya ng gawang-kamay o mga high tech na bagay, ngunit pinakaginagamit ito sa konteksto ng disenyong pang-industriya, kung saan pinoproseso ang mga hilaw na materyales mula sa unang sektor upang maging mga gawang produkto ito nang maramihan. Binebenta ang mga ito sa iba pang nagmamanupaktura upang makagawa pa ng ibang produkto tulad ng aplayans, eroplano, o sasakyan, o di kaya'y direkta patungo sa mga gagamit na konsyumer sa pamamagitan ng ikatlong sektor.

Inhinyeriyang pangmanupaktura ang larangan ng inhenyeriya na nakatuon sa pagdisenyo at pagpapaunlad sa proseso ng pagmamanupaktura at sa mga hakbang mula sa pagproseso sa mga hilaw na materyales hanggang sa tapos na produkto. Nagsisimula ang prosesong ito sa pagdisenyo sa produkto at espesipikasyon ng mga materyales, at susundan ng pagbabago sa mga materyales na ito upang maging produkto na umaayon sa disenyo.

Saklaw ng kontemporaryong pagmamanupaktura ang lahat ng mga hakbang na pumapatungkol sa paggawa at pagsasama sa mga parte ng isang produkto. Ginagamit sa ilang mga industriya kagaya ng sa semikonduktor at asero ang katagang pabrikasyon upang tumukoy sa parehong proseso.[2]

Nagmula ang salitang "manupaktura", ang salitang-ugat ng "pagmamanupaktura", sa wikang Espanyol na manufactura. Isa itong pagsasama ng pariralang Latin na manu factura ("gawang-kamay").[3] Kalaunan, nagbago ang kahulugan nito upang tumukoy sa proseso ng paggawa sa mga produktong gawang-kamay bandang ika-16 na siglo, at pagsapit ng Rebolusyong Industriyal sa Europa, nagkaroon ito ng kahulugan na tumutukoy sa paggawa sa mga produkto mapaanuman ang paraan.[4][5] Ilan sa mga karaniwang salin sa wikang Tagalog para rito ang mga salitang "paggawa" at "pagyari", bagamat pawang mas malalawak ang saklaw na kahulugan ng mga ito kumpara sa "manupaktura".

Prehistorya at sinaunang kasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagmamanupaktura na ang mga ninuno ng tao ng mga kagamitan at kasangkapang gawa sa bato bandang 200,000 taon ang nakalilipas, bago pa man umusbong ang modernong Homo sapiens.[6] Di bababa sa 2.3 milyong taon ang tanda ng industriyang Oldowan, ang pinakamatandang arkeolohikong industriya na gumagawa ng mga kagamitang gawa sa bato.[7] May ebidensiya na ng aktuwal na paggamit mismo ng mga kagamitang ito noong bandang 2.5 milyong taon ang nakaraan sa Lambak ng Great Rift sa rehiyong bahagi ngayon ng Etiopiya.[8] Para magawa ang mga kagamitang ito, hinahampas ang ubod ng isang matigas na batong may partikular na katangiang mababalatan tulad ng pingkian gamit ng isang batong panghampas. Dahil sa pagbabalat, nagkakaroon ng talim ang naturang bato na magagamit bilang panghiwa o pangkiskis. Malaki ang tulong ng mga kagamitang ito sa mga sinaunang tao sa kanilang pamumuhay para makagawa pa sila ng iba pang mga kagamitan na gawa sa mas malalambot na materyales kagaya ng buto at kahoy.[9] Pagsapit ng Gitnang Paleolitiko noong bandang 300,000 taon ang nakaraan, umusbong ang isang paraan kung saan may nakahanda na'ng isang ubod ng bato na siyang gagamitin upang makagawa ng maraming matatalas na bato. Bandang 40,000 taon ang nakaraan sa kasagsagan ng Itaas na Paleolitiko, umusbong naman ang pagbabalat gamit ng matalas na kagamitan tulad ng kahoy o buto, na nagpapahintulot sa paggawa sa mga kagamitang may mas pinong talim na hindi magagawa ng simpleng paghampas ng bato sa isa pang bato.[10] Noong Neolitiko, laganap na ang mga kagamitang gawa sa samu't saring klase ng mga bato bukod sa pingkian, tulad ng eskitong lunti at hade. Ginagamit ang mga makikinis na palakol kasama ng iba pang mga kagamitang gawa sa bato tulad ng matutulis na bala, kutsilyo, at pangkiskis, gayundin sa mga kagamitang gawa naman sa mga organikong materyales.[11]

Mga pangunahing bansa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Organisasyon sa Pagpapaunlad ng Industriya ng Mga Nagkakaisang Bansa (UNIDO), Tsina ang pabrikante na may pinakamataas na produksiyon sa buong mundo noong 2023, na nagprodyus ng 28.7% ng kabuuang pandaigdigang produksiyon sa pagmamanupaktura, kasunod ng Estados Unidos, Alemanya, Hapon, at Indiya.[12][13]

Naglalathala rin ang UNIDO ng Indise ng Mapagkompitensiyang Pagganap sa Industriya (CIP), na sumusukat sa kakayahang makipagkompitensiya sa pagmamanupaktura ng iba't ibang bansa. Pinagsasama ng Indiseng CIP ang kabuuang output ng bansa sa pagmamanupaktura sa iba pang mga salik tulad ng kakayahan nito sa mataas na teknolohiya at ng impluwensiya nito sa pandaigdigang ekonomiya. Nanguna ang Alemanya sa Indiseng CIP ng 2020, na sinundan ng Tsina, Timog Korea, Estados Unidos, at Hapon.[14][15]

Talaan ng mga bansa ayon sa output sa pagmamanupaktura

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ito ang nangungunang 50 bansa batay sa kabuuang halaga ng output ng pagmamanupaktura sa dolyar ng US para sa nabanggit na taon ayon sa Bangkong Pandaigdig:[16]

List of countries by manufacturing output
Ranggo Bansa o rehiyon Halaga (sa milyun-milyong US$) Taon
 Mundo16,182,0382023
1 Tsina4,658,7822023
2 Estados Unidos2,497,1322021
3 Alemanya844,9262023
4 Hapon818,3982022
5 Indiya709,9902023
6 Timog Korea562,3892023
7 Mehiko460,7282023
8 Italya354,7222023
9 Pransiya294,4652023
10 Brasil289,7912023
11 Reyno Unido284,0632023
12 Indonesya255,9622023
13 Rusya251,5772023
14 Turkiya215,0382023
15 Irlanda186,5252023
16 Espanya181,5922023
17 Suwisa160,2322023
18 Saudi Arabia157,8762023
19 Kanada149,2682020
20 Polonya131,7122023
21 Olanda130,2252023
22 Taylandiya128,2712023
23 Arhentina104,3862023
24  Biyetnam 102,628 2023
25Bangladesh Banglades97,7272023
26 Australya92,8932023
27 Malasya92,1172023
28Singapore Singapura88,4982023
29 Iran82,6412022
30Austriya Austriya80,8162023
31 Suwesya77,4562023
32 Belhika75,0792023
33 Pilipinas70,8962023
34 Republikang Tseko70,7322023
35  Ehipto 59,642 2023
36 Beneswela58,2372014
37 Dinamarka56,2832023
38 Niherya55,7422023
39Puerto Rico Porto Riko53,7692023
40 Israel49,6582021
41 Emiratos Arabes Unidos49,3172022
42 Timog Aprika48,8092023
43 Rumanya47,9232023
44 Pakistan45,9362023
45Pinlandiya Pinlandiya44,9662023
46 Kolombya39,5952023
47Hungary Unggriya36,4032023
48 Portugal34,2962023
49Kazakhstan Kasakistan32,1482023
50 Tsile30,8892023
  1. ↑ Kenton, Will. "Manufacturing" [Pagmamanupaktura]. Investopedia (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Nobyembre 2020.
  2. ↑ Thadani, Akhil; Allen, Gregory C. (30 Mayo 2023). "Mapping the Semiconductor Supply Chain: The Critical Role of the Indo-Pacific Region" [Pagmamapa sa Daloy ng Suplay ng Semikonduktor: Ang Kritikal na Gampanin ng Rehiyong Indo-Pasipiko]. CSIS (sa wikang Ingles).
  3. ↑ "manufactura" [manupaktura]. «Diccionario de la lengua española» - Edición del Tricentenario (sa wikang Kastila). Nakuha noong 6 Oktubre 2026.
  4. ↑ Srivatsan, T. S.; Manigandan, K.; Sudarshan, T. S. (2018). "Use of Conventional Manufacturing Techniques for Materials" [Paggamit sa mga Kumbensiyonal na Kaparaanan sa Pagmamanupaktura ng mga Materyales]. Mula sa Srivatsan, T. S.; Sudarshan, T. S.; Manigandan, K. (mga pat.). Manufacturing Techniques for Materials: Engineering and Engineered [Mga Kaparaanan sa Pagmamanupaktura ng mga Materyales: Inhinyeriya at Ginawa] (sa wikang Ingles). Boca Raton, Estados Unidos: CRC Press. pp. 436–437. ISBN 978-1138099265.
  5. ↑ Youssef, Helmi A.; El-Hofy, Hassan (2008). Machining Technology: Machine Tools and Operations [Teknolohiyang Pangmakina: Mga De-makinang Kagamitan at Operasyon] (sa wikang Ingles). Boca Raton, Estados Unidos: CRC Press. p. 1. ISBN 978-1420043396.
  6. ↑ "Human Ancestors Hall: Homo sapiens" [Bulwagan ng mga Ninuno ng Tao: Homo sapiens] (sa wikang Ingles). Smithsonian Institution. Inarkibo mula sa orihinal noong 1 Mayo 2009.
  7. ↑ "Ancient 'Tool Factory' Uncovered" [Nahukay ang isang Sinaunang 'Pagawaan ng Kagamitan']. BBC News (sa wikang Ingles). 6 Mayo 1999. Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Marso 2007.
  8. ↑ Heinzelin, Jean de; Clark, JD; White, T; Hart, W; Renne, P; Woldegabriel, G; Beyene, Y; Vrba, E (Abril 1999). "Environment and Behavior of 2.5-Million-Year-Old Bouri Hominids" [Kapaligiran at Ugali ng mga 2.5 Milyong Taóng Hominid ng Bouri]. Science. 284 (5414): 625–629. Bibcode:1999Sci...284..625D. doi:10.1126/science.284.5414.625. PMID 10213682.
  9. ↑ Plummer, Thomas (2004). "Flaked Stones and Old Bones: Biological and Cultural Evolution at the Dawn of Technology" [Mga Nabalatang Bato at Lumang Buto: Biolohikal at Kultural na Ebolusyon sa Pag-usbong ng Teknolohiya]. American Journal of Physical Anthropology (sa wikang Ingles) (47). Yearbook of Physical Anthropology: 118–64. Bibcode:2004AJPA..125S.118P. doi:10.1002/ajpa.20157. PMID 15605391.
  10. ↑ Haviland, William A. (2004). Cultural Anthropology: The Human Challenge [Antropolohiyang Pangkultura: Ang Hámon ng Tao] (sa wikang Ingles). The Thomson Corporation. p. 77. ISBN 978-0-534-62487-3.
  11. ↑ Tóth, Zsuzsanna (2012). "The Körös Culture in Eastern Hungary" [Ang Kulturang Körös sa Silangang Unggriya]. Mula sa Anders, Alexandra; Siklósi, Zsuzsanna (mga pat.). The First Neolithic Sites in Central/South-East European Transect [Ang mga Unang Neolitikong Lugar sa Salubungan ng Gitna/Timog-silangang Europa]. Bone, Antler, and Tusk tools of the Early Neolithic Körös Culture (sa wikang Ingles). Bol. III. Oxford: BAR International Series 2334.
  12. ↑ "UNIDO Statistics Data Portal" [Portada ng Estadistikang Datos ng UNIDO] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 5 Oktubre 2021. Nakuha noong 5 Oktubre 2021.
  13. ↑ "Leading Manufacturing Nations" [Mga Nangungunang Bansa sa Pagmamanupaktura] (sa wikang Ingles). 15 Hulyo 2021. Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Marso 2022. Nakuha noong 14 Marso 2022.
  14. ↑ "UNIDO's Competitive Industrial Performance Index 2020: Country Profiles" [Indise ng Mapagkompitensiyang Pagganap sa Industriya ng UNIDO noong 2020: Mga Perpil ng Bansa]. unido.org (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Abril 2022. Nakuha noong 21 Hunyo 2022.
  15. ↑ "Competitive Industrial Performance Index 2020: Country Profiles ( Report)" [Indise ng Mapagkompitensiyang Pagganap sa Industriya ng 2020: Mga Perpil ng Bansa (Ulat)]. stat.unido.org (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 10 Enero 2022. Nakuha noong 21 Hunyo 2022.
  16. ↑ "Manufacturing, Value Added (Current US$)" [Pagmamanupaktura, Halagang Idinagdag (Kasalukuyang US$)] (sa wikang Ingles). World Bank. Inarkibo mula sa orihinal noong 7 Enero 2020. Nakuha noong 14 Hulyo 2021.

Padron:Human impact on the environment