Dekada 1950

Ang dekada 1950 (binibigkas na "labinsiyam-na-limampu"; pinaikli bilang d. 1950 o dekada '50 na kadalasang binibigkas bilang dekada Singkwenta), ay isang dekada na nagsimula noong 1 Enero 1950 at nagtapos noong 31 Disyembre 1959.
| Milenyo: | ika-2 milenyo |
| Dantaon: | |
| Dekada: | |
| Taon: |
Sa buong dekada, ipinagpatuloy ng daigdig ang pagbangon mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na tinulungan ng paglawak ng ekonomiya matapos ang digmaan. Nasaksihan din ng panahong ito ang malaking paglaki ng populasyon dahil sa pagtaas ng bilang ng kapanganakan at pag-usbong ng henerasyong tinatawag na "baby boomers" (literal na Mga Nagbubunsod na Sanggol). Sa kabila ng pagbangong ito, umigting ang Digmaang Malamig mula sa payak nitong simula noong huling bahagi ng dekada 1940 tungo sa matinding tunggalian sa pagitan ng Unyong Sobyet at Estados Unidos pagsapit ng unang bahagi ng dekada 1960. Nangibabaw sa dekada ang tunggaliang ideolohikal sa pagitan ng komunismo at kapitalismo, lalo na sa Hilagang Hemisperyo.
Sa Estados Unidos, nagbunga ang alon ng kontra-komunistang damdamin na kilala bilang Ikalawang Red Scare (literal na Takot sa Pula) o McCarthyismo ng mga pagdinig sa Kongreso ng dalawang kapulungan nito. Sa Unyong Sobyet naman, nagbunsod ang pagkamatay ni Joseph Stalin ng kampanyang pampolitika at mga repormang tinawag na "de-Stalinisasyon" na pinasimulan ni Nikita Khrushchev, na kalaunan ay nagdulot ng paglala ng relasyon sa pagitan ng Unyong Sobyet at Tsina noong dekada 1950.
Ang pagsisimula ng Digmaang Malamig ay nagbigay-daan din sa pagsisimula ng Karera sa Kalawakan sa paglulunsad ng Sputnik 1 noong 1957; bilang tugon, itinatag ng Estados Unidos ang NASA noong 1958. Kasabay ng mas pinaigting na pagsusuri ng mga sandatang nuklear tulad ng RDS-37 at Operasyong Upshot–Knothole na tinawag na "karera sa armas", naging mas konserbatibo sa politika ang pandaigdigang kalagayan.
Nagsimula rin sa dekadang ito ang dekolonisasyon sa Aprika at Asya, na lalo pang bumilis sa sumunod na dekada at nagbunga ng ilang digmaan at tunggalian sa iba't ibang bansa.
Kabilang sa mga digmaang naganap noong dekada 1950 ang Unang Digmaang Indotsino (1946-1954), Kagyatang Malayo (1948-1960), Digmaang Koreano (1950-1953), Digmaang Algeriano (1954-1962), Unang Digmaang Sibil sa Sudan (1955-1972), Digmaang Biyetnames (1955-1975),[1] Rebolusyong Kubano (1953-1959), at Krisis sa Suez (1956). Kabilang naman sa mga kudeta at rebolusyon ang Rebolusyong Ehipsiyo ng 1952, kudeta sa Iran noong 1953, kudeta sa Guatemala noong 1954, Rebolusyon ng 14 Hulyo (1958), at kudeta sa Pakistan noong 1958.

Ang politkang aspeto ng Pilipinas noong dekada '50 ay halo ng rehabilitasyon pagkatapos ng digmaan, matinding sentimento kontra-komunismo,[2] at ang transisyon mula sa kawalang-tatag hanggang sa "ginuntuang panahon" ng demokrasya and paglago ng ekonomiya. Namamayani sa dekada '50 ang sistemang dalawahang-partido (Nacionalista at Liberal) na karamihang kinabibilangan ng mga konsertibong elitista.[3] Bagaman, nahalal si Ramon Magsaysay bilang Pangulo ng Pilipinas noong 1953 na tinaguriang "kampeon ng masa" at naglayon siya na iangat ang karaniwang mamamayan.[4] Naging suliranin ng pamahalaan noong unang bahagi ng dekada ang mga rebeldeng Hukbalahap at krinedito si Magsaysay sa pagpapahupa sa rebelyon sa pamamagitan ng aksyong militar at repormang panlipunan, tulad ng pag-alok ng lupa sa mga rebeldeng susuko.[5] Kadalasang binabanggit ang pamahalaan ni Magsaysay bilang mataas na punto sa kasaysayan ng Pilipinas para sa malinis at bukas na pamahalaan,[6] at mataas na tiwala ng publiko.[7] Natapos ang kanyang panunungkulan noong 1957 sa isang trahedya nang bumagsak ang kanyang eroplanong sinasakyan.[8]
Noong dekada 1950, bumaba sa pinakamababang antas ang karaniwang edad ng mga bagong kasal, isang antas na hindi nakita sa mga nakaraang panahon.[9] Pagsapit ng 1954, halos kalahati ng mga Amerikanang ikinakasal ay mga tinedyer, at madalas silang nagpapakasal sa mga lalaking ilang taon lamang ang tanda sa kanila. Hinangad ng mga babaeng ito ang mga asawang may matatag na kabuhayan. Nakatulong ang malakas na ekonomiya at mababang antas ng kawalan ng trabaho upang lumawak ang kasaganaan, mapalaki ang gitnang uri, at maging abot-kaya ang pabahay. Dahil dito, nagkaroon ng kakayahan ang maraming kabataang mag-asawa na magpakasal nang maaga, at naging mahalagang mamimili ang mga dalagitang asawa na aktibong pinuntirya ng mga nagmemerkado.[10]
Sa panahong ito, lumitaw ang agwat sa antas ng edukasyon, kung saan mas mataas ang potensiyal na kita ng mga nagtapos ng kolehiyo kaysa sa mga nagtapos lamang ng mataas na paaralan.[11] Dahil sa umiiral na mga pamantayang pangkultura, mas maraming lalaki ang nagpatuloy sa mas mataas na edukasyon habang tumutulong naman sa pananalapi ang kanilang mga asawa sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Bilang pagkilala sa suportang ito, may ilang paaralan na nagbigay pa ng diplomang "PhT" ("Putting Husband Through" o Pagpapatapos sa Asawa sa Pag-aaral) upang kilalanin ang mga asawang tumulong sa kanilang mga mister na makatapos ng pag-aaral.[12]
Naging malawak din ang kasikatan ng mga kredit kard noong dekada 1950, simula sa Diners Club Card sa Lungsod ng New York at kalaunang lumawak sa iba’t ibang bansa.[13]
Katamtaman lamang ang implasyon noong dekada 1950. Nakaranas ang mga unang buwan ng epekto ng deplasyon mula sa dekada 1940, ngunit nagtapos ang unang buong taon na may tila pagsisimula ng malaking implasyon, kung saan umabot sa 8% hanggang 9% bawat taon ang taunang antas nito. Pagsapit ng 1952, humupa ang implasyon. Muling nakaranas ng bahagyang deplasyon noong 1954 at 1955, subalit sa nalalabing bahagi ng dekada ay nanatiling katamtaman ang implasyon, na nasa pagitan ng 1% at 3.7%. Sa kabuuan ng dekada, umabot lamang sa 2.04% ang karaniwang taunang implasyon.[14]
Noong dekada 1950, itinuring ang ekonomiya ng Pilipinas bilang isa sa pinakamalalakas sa Asya matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nakabatay ito sa lumalakas na industriya at pagmamanupaktura, pati na rin sa mataas na potensiyal ng bansa para sa pag-unlad.[15] Gayunman, nanatiling nakadepende ang ekonomiya sa agrikultura, kalakalan sa ibang bansa, at impluwensiya ng Estados Unidos. May mga sularin din ang bansa tulad ng kahirapan, kawalan ng sapat na trabaho, at mabagal na pag-unlad ng industriya, kaya't nakita ang pangangailangan ng modernisasyon upang makamit ang pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya.[16]
Ang popular na musika noong unang bahagi ng dekada 1950 ay pangunahing pagpapatuloy ng tunog na crooner mula sa nakaraang dekada, na may mas kaunting diin sa estilong big band na hango sa jazz at mas binigyang-diin ang konserbatibo, operatiko, at simponikong estilo ng musika.
Sa kalagitnaan ng dekada, nagbago ang tanawin ng popular na musika nang ang klasikong pop ay mapalitan sa mga tsart ng rock and roll. Ang mga crooner tulad nina Eddie Fisher, Perry Como, at Patti Page, na nangibabaw sa unang kalahati ng dekada, ay nakaranas ng malaking pagbawas sa kanilang presensya sa mga tsart ng pop pagsapit ng huling bahagi ng dekada.
Umusbong ang rock and roll noong kalagitnaan ng dekada 1950, at si Elvis Presley ang naging pangunahing pigura ng bagong tanyag na tunog na ito sa pamamagitan ng sunod-sunod na paglabas sa mga palabas sa telebisyon at mga recording na nanguna sa mga tsart. Si Chuck Berry, sa pamamagitan ng mga awiting "Maybellene" (1955), "Roll Over Beethoven" (1956), "Rock and Roll Music" (1957), at "Johnny B. Goode" (1958), ay humubog at nagpaunlad ng mga pangunahing elemento na nagbigay-tangi sa rock and roll, na nakatuon sa buhay ng kabataan at nagpakilala ng mga solo sa gitara at istilong pagtatanghal na naging malaking impluwensiya sa mga sumunod na anyo ng musikang rock.[17]
Naimpluwensiyahan din ng Pilipinas noong dekada '50 ng mga Kanluraning musika, kaya popular din ang rock and roll na pinamunuan nina Eddie Mesa (tinaguriang Elvis Presley) at Bobby Gonzalez. Naging tanyag din ang mga tradisyunal na musika at sumikat ang mang-aawit tulad nina Sylvia La Torre (na tinaguriang Reyna ng Tagalog)[18] at Ruben Tagalog (na itinatag ang pangkat pangmusika na Mabuhay Singers noong 1958). Naging ikono naman ang awiting "Ugoy ng Duyan" nina Lucio San Pedro at Levi Celerio, gayundin ang awiting "Hahabol-habol" na ginawa ni Clod Delfino sa titik ni Robin Vega at inawit ni Bobby Gonzalez.[19]

Naging karaniwang bahagi ng mga tahanan sa Amerika ang telebisyon noong dekada 1950, na humantong sa tinaguriang Ginintuang Panahon ng Telebisyon. Dahil dito, maraming tao ang bumili ng mas maraming produkto at nagpalit ng kanilang mga gamit, na nagpasigla sa kulturang konsumerismo. Gayunman, sa labas ng Amerika, inabot pa ng ilang dekada bago naging pangkaraniwan ang telebisyon sa ibang mga bansa.

Sa Pilipinas, may mga mag-aaral ng inhinyeriya sa Unibersidad ng Santo Tomas ang nag-eksperimento sa pagsasahimpawid ng telebisyon, subalit na wala masyadong nangyari.[20] Unang dumating ang komersyal na telebisyon noong 1953 nang naitayo ng Alto Broadcasting System ang DZAQ-TV (tsanel 3) na pagmamay-ari ni Antonio Quirino, ang kapatid ni Pangulong Elpidio Quirino.[21] Noong 1957, kinuha naman ni Eugenio Lopez Sr. ang may-ari ng Chronicle Broadcasting Network, ang Alto Broadcasting Corporation, at pinagsanib ang dalawang kompanya bilang ABS-CBN.[22]
Ang mga pelikula noong dekada 1950 ay nagkaroon ng napakalawak na pagkakaiba-iba. Dahil sa pag-usbong ng telebisyon, nagsikap ang mga istudiyo at kumpanya na ibalik ang mga manonood sa mga sinehan. Gumamit sila ng mas maraming teknik sa pagpapakita ng mga pelikula sa pamamagitan ng widescreen (o malawak na iskrin) at malalaking presentasyon, tulad ng Cinemascope, VistaVision, at Cinerama, pati na rin ang mga gimik tulad ng 3-D na pelikula.
Sumikat ang mga pelikulang may malalaking produksyon at palabas na puno ng engrandeng biswal, lalo na ang mga historikal at pantasyang epiko gaya ng The Robe (1953),[23] The Story of Robin Hood and His Merrie Men (1952), The Ten Commandments (1956), The Seventh Voyage of Sinbad (1958), at Ben-Hur (1959).
Umunlad din sa pandaigdigang antas ang mga malalaking pelikula, tulad ng mga mitolohikal na epiko ng direktor mula sa Unyong Sobyet na si Aleksandr Ptushko na Sadko, Ilya Muromets, at Sampo, gayundin ang mga historikal na obra ni direktor na Hapon na si Akira Kurosawa na Seven Samurai, Throne of Blood, at Rashomon. Si Toshiro Mifune, na gumanap sa mga pelikula ni Kurosawa, ay gumanap din sa kulay na epikong Trilohiyang Samurai.
ang direktor
ng Genghis Khan (1950).
ang director
ng Sanda Wong (1955).
ang direktor
ng Badjao (1957).
Itinuring na “Ginintuang Panahon” ng sine sa Pilipinas[24] dahil sa mataas na kalidad ng produksyon, pag-usbong ng malalaking istudiyo, at pagdami ng mga pelikulang tumatalakay sa buhay at pagpapahalagang Pilipino. Sa katamtaman, nakakagawa industriya ng pelikula sa Pilipinas ng 350 pelikula kada taon sa dekadang ito, na pumapangalawa lamang sa Asya sa bilang ng paggawa ng pelikula pagkatapos ng Hapon.[24] Nangibabaw sa panahong ito ang mga istudiyo, partikular ang tinatawag na "Big Four" o "Malaking Apat": ang LVN Pictures, Sampaguita Pictures, Premiere Productions, at Lebran International,[25] na gumawa ng mga pelikulang melodrama, komedya, musikal, historikal, at aksyon. Malaki din ang naging impluwensiya ng mga pelikulang Hollywood sa melodramang Pilipino, partikular sa paggamit ng sistemang bituin, dramatikong banghay, at emosyonal na tunggalian. Gayunpaman, hindi lamang ginaya ng mga tagagawa ng pelikula Pilipinong ang mga banyagang modelo kundi inangkop din ang mga ito sa lokal na kultura at tradisyon.[26] Sa pagsusuri sa mga pelikulang Sino’ng Maysala? (1957) at Mga Ligaw na Bulaklak (1957), ipinakita na pinagsama ng melodramang Pilipino ang estilong Hollywood at mga katutubong elemento mula sa teatro at panitikang Pilipino na naimpluwensiyahan ng Espanya.[26] Madalas ding umikot ang mga pelikula noong dekada '50 sa Pilipinas sa mga temang may kaugnayan sa pamilya, moralidad, sakripisyo, at ugnayang panlipunan.[26] Bunga nito, nabuo ang isang natatanging anyo ng melodramang Pilipino na may impluwensiyang Kanluranin subalit nananatiling nakaugat sa karanasang at pagpapahalagang Pilipino.[26]
Ilan sa mga pelikulang Pilipino ang sumikat noong dekada '50 ang Sisa (1951), Ang Sawa sa Lumang Simboryo (1952), Ifugao (1954), at Sanda Wong (1955) sa pagdirehe ng Pambansang Alagad ng Sining na si Gerardo de Leon, Korea (1952), Huk sa Bagong Pamumuhay (1953), Kandelerong Pilak (1954), Anak Dalita (1956), at Badjao (1957) sa pagdirehe ng Pambansang Alagad ng Sining na si Lamberto Avellana, Genghis Khan (1950) at Juan Tamad Goes to Congress (1959) sa pagdirehe ng Pambansang Alagad ng Sining na si Manuel Conde.[25] Ang Genghis Khan ay ang unang pelikulang Pilipino na naiskirn sa mga Pistang Pelikulang Cannes at Venice.[24]
Naging mahalagang yugto rin ang dekada 1950 sa paglaban sa Polio dahil sa matagumpay na pagkakatuklas ng bakuna laban dito. Matapos ang malawakang paggamit ng bakuna laban sa poliovirus noong kalagitnaan ng dekada 1950, mabilis na bumaba ang kaso ng poliomyelitis sa maraming industriyalisadong bansa, habang unti-unti naman itong humina sa mga papaunlad na bansa sa mga sumunod na dekada, na nagbawas sa dami ng namamatay dahil sa sakit na ito.
Noong dekada 1950, tumaas ang populasyon ng daigdig mula 2.5 bilyon tungo sa 3.0 bilyon, na may humigit-kumulang 1 bilyong kapanganakan at 500 milyong pagkamatay.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ "The Pentagon Papers, Volume 1, Chapter 5, Section 3, "Origins of the Insurgency in South Vietnam, 1954–1960"" (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2017-10-19. Nakuha noong 2010-01-15.
- ↑ Crisol, Jose (1953-12-31). "Communist Propaganda in the Philippines (1950-1953)". Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints (sa wikang Ingles). 1 (3). doi:10.13185/2244-1638.3578. ISSN 2244-1638.
- ↑ Teehankee, Julio. "Electoral Politics in the Philippines" (PDF) (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ Bolido, Linda (2023-03-26). "66 years after death, Ramon Magsaysay still a yardstick of presidency". Cebu Daily News (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ "Philippines (Huk Rebellion), 1946–1956: Case Outcome: COIN Win Case Outcome: COIN Win from Paths to Victory: Detailed Insurgency Case Studies on JSTOR". www.jstor.org (sa wikang Ingles). doi:10.7249/j.ctt5hhsjk.12. Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ Jose, F. Sionil (Marso 23, 2019). "The legacy of Ramon Magsaysay". Philstar.com. Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ "Ramon Magsaysay". Britannica. Marso 13, 2026. Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ Afinidad-Bernardo, Deni Rose M. (Abril 9, 2025). "CIA? Hukbalahap? Foul play? Grandson shares discoveries on Ramon Magsaysay's death". Philstar.com. Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ "Figure MS-2 Median age at first marriage: 1890 to present" (PDF). United States Census Bureau (sa wikang Ingles). Nobyembre 2023.
- ↑ Rock & Roll Generation: Teen Life in the 50s (Our American Century) (sa wikang Ingles). Time Life Books. Enero 1, 1998. ISBN 0-7835-5501-6.
- ↑ Goldin, Claudia Dale; Katz, Lawrence F. (2008). The race between education and technology (sa wikang Ingles). Cambridge, Mass: Belknap Press of Harvard University Press. ISBN 978-0-674-02867-8. OCLC 180690027.
- ↑ "In the 1950s, many wives financed their husbands through college". Colorado Arts and Sciences Magazine (sa wikang Ingles). 2023-03-20. Nakuha noong 2024-10-28.
- ↑ "When Were Credit Cards Invented?". Capital One (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-10-29.
- ↑ "Inflation and CPI Consumer Price Index 1950–1959". Inflation Data (sa wikang Ingles). InflationData.com. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 4, 2014. Nakuha noong 23 Abril 2014.
- ↑ Beja Jr, Edsel L. (2012-07-14). "Rebuilding the PH economy". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ "The Philippines". The Atlantic (sa wikang Ingles). 1952-09-01. ISSN 2151-9463. Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ M. Campbell, ed., Popular Music in America: And the Beat Goes on (Cengage Learning, ikatlong edisyon, 2008), pp. 168–9. (sa Ingles)
- ↑ "Press Release - Jinggoy honors late artist Sylvia La Torre". legacy.senate.gov.ph. Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ Gil, Baby A. (Hulyo 28, 2016). "30 iconic Filipino songs". Philstar.com. Nakuha noong 2026-05-07.
- ↑ del Mundo Jr, Clodualdo (October 12, 2003). "50 years of Pinoy TV". Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-08.
- ↑ "Media Museum". aijc.com.ph (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-08.
- ↑ Limos, Mario Alvaro (Mayo 6, 2020). "ABS-CBN's Historic Milestones Through 70 Years of Service to the Filipino". Esquire Magazine Philippines (sa wikang Ingles). Nakuha noong Mayo 8, 2026.
- ↑ "The Robe (1953)". BFI (sa wikang Ingles). Nakuha noong 1 Marso 2026.
- 1 2 3 "History of Philippine Cinema". San Diego Filipino Cinema (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-10.
- 1 2 "Ano ang relevance ng "The Big Four" sa history ng Philippine cinema?". PEP.ph. Marso 2, 2026. Nakuha noong 2026-05-10.
- 1 2 3 4 Tiongson, Nicanor G.; Umali, Violeda A. (Pebrero 2004). "Filipino Film Melodrama of the Late 1950s: Two Case Studies of Accommodation of Hollywood Genre Models". Plaridel Journal. doi:10.52518/2004.1.1-03jvlsc. Nakuha noong 2026-05-10.